Heights Ateneo — The Official Literary and Artistic Publication and Organization of the Ateneo de Manila University

Langit at Biyaya

John Joseph D.J. Gabata

duon sa pinakamadilim na parte ng makipot na kalsada, duon mo ako masusulyapan. Nakaabang. Nagmamasid. Naghihintay ng kahit kaluskos man lamang o kahit ng sutsot na nagpapahiwatig na "dito ka pumunta." Wala na akong kaba sapagkat desidido na ako sa gagawin ko, at hindi ko na ito unang beses na gagawin. Sa totoo lamang, maraming beses ko na itong nagawa, hindi dahil sa gusto ko itong mangyari, subalit kailangan ko ito upang maipantawid sa kumakalam na sikmura ng aking pamilyang salat sa kaginhawahan. Tumitingin-tingin ako sa paligid, nagmamasid kung mayroong pamilyar na mukha ang nakasunod sa akin. Bigla kong naalala ang lumisan kong nobya, na kamakailan lamang ay bumitaw sa nakatali naming pagsasamahan. Ang aking nobya na napilitang makipaghiwalay sa akin dahil napag-alaman nito ang misteryo sa likod ng maamo at nakapangangagat-labi kong itsura; subalit ang mundong ito ay pinasok ko na. Kailangan kong manindigan, nang sa gayon ay makaranas muli ako ng kalangitan at makatanggap ng biyayang sagot sa aming kakulangan at kasalatan. Naghihintay pa rin ako; kailangan ko nang makatanggap ng biyaya sapagkat may naghihintay sa aking mga umaasa lamang sa natatamo kong biyaya. Suot ang aking itim na paboritong damit, sinuotan ko ito ng pabangong lubha kung makapang-akit. Nagsimula akong mag-isip ng bagay na bumabalot sa mundo, mga kamunduhang bagay na kailangan ko upang makapaghanda sa makikipagdigma kong sundalong kailangan ng galit at katigasan. Alas onsé, halos tatlumpung minuto na mula nang ako’y martir na nakatayo sa isang sulok ng kalsada. Bilang sa kamay ang

mga nagsisipaglakad sa harapan ko, at wala sa kanila ang nakikilala ko o nakikilala ako. Nawala na ang tigas at galit ng sundalo na kailangan ko bilang instrumento sa pagkamit ng mga kailangan kong bagay— ang langit at ang biyaya. Akmang hahakbang na ako upang umalis nang makarinig ako ng matinis na sutsot na nagsasabing lalaban na ang aking naghihintay na sundalong saglit na nagpahinga mula sa mahabang paghihintay. Hindi ko masulyapan ang kanyang mukha, ngunit batid ko na may nakasuot siyang kolorete sa kaniyang madilim at misteryosong mukha. Hanggang maulinigan ko ang boses niyang binalutan niya ng lambing, at ang sabi'y, "Ready ka na ba?", sabay sagot ko ng, "Oo." Kailangan kong kumapit sa nakapanghihiwang langit upang makatanggap ako ng biyayang anak ng aking kahangalan. Wala naman akong gagawin dito, tanging susunod lamang sa kanya at sa lahat ng orasyon na kanyang isasagawa sa akin. Lumakad kami nang saglitan habang hawak ko ang magaspang niyang kamay, dama ang init ng kanyang kamao at balahibo sa likod ng kanyang palad, upang humanap ng perpektong dako na pagdarausan ng orasyon patungong langit. Lakad. Dahan-dahan. Tanging kariringgan lamang ay ang mga sanga at dahong magiging saksi sa aming kahiwagaan, ang hanging magpaparagdag sa pagtindi ng aming kababalaghan, at ang kaluskos ng aming mga suot na panyapak. Lakad. Dahan-dahan. Hinto, sabay higpit ng paghawak niya sa aking braso. Ito na ang hudyat ng magsisimulang orasyon sa pagitan naming dalawa. Nagsimula nang tumagaktak ang pawis ko nang bigla niyang ilapat ang kanyang magaspang at matigas na palad sa ibabaw ng nakataklob na telang pumuproteksyon sa sundalo kong nagsisimula nang magalit sa labanan. Malakas at mapilit ang kalaban

Next Page

Binabati ng HEIGHTS ang mga kontributor ng mga akdang inilathala sa ikalawang Regular na Folio sa Taong Panuruang 2019-2020

RICHELL FLORESJOHN GABATAEMMANUEL LACADINJEROME MAIQUEZREGINA POSADAS
SOLA FIDE RAMOSADRIAN SORIANOSEAN CARBALLOTOKADORMARK CAYANAN
PILAR GONZALEZMARIA LARGABEA RACOMAANDY REYSIO-CRUZCATE ROQUE
ZOFIA AGAMABRIANNA CAYETANORUBY DESCALZOPETE ROXASKERIMA SONACO
KRISTINA VALERAREGINE CABATOCORINNE GARCIACELLINE MERCADOMAHIKA REALISMO
Contribute for Upcoming +View this Folio on Issuu

Heights Vol. 68 No. 1